Alinsunod sa itinakdang Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997 at Pangkagawarang Memorandum Blg. 38 s. 2024 ay madagundong na ipinagdiwang ang taunang selebrasyon ng Sangay ng Tanjay ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa (BNWP) 2024 sa temang, “Filipino: Wikang Mapagpalaya” alinsabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan (BNK) sa temang, “Saysay ng Bayan, Salaysay ng Bansa” sa pangunguna ng tagapamanihala, Dr. Estela B. Susvilla, katuwang Dr. Marcelo K. Palispis, superbisor sa Filipino, Dr. Josie G. Estrella, at superbisor sa Araling Panlipunan, Dr. Tito Benedict R. Suyo.

Araw ng Lunes, Agosto 5, 2024 sa pangunguna ng nabanggit na sangay ay makulay at masiglang binuksan ang taunang selebrasyon ukol sa pagunita ng kasaysayan sa Pilipinas at pagmamahal ng mga wikang sakop nito. Sila ay nagtampok ng iba’t ibang presentasyon, nagsuot ng mga magagarang kasuotan, at naghanda ng mga pagkaing tatak-Noypi na saba-sabay na pinagsasaluhan ng mga kawani at kasapi ng hukbo.

Iba’t iba ang naging paandar ng mga paaralan nang bigyang kulay ng mga kawani, guro, at mag-aaral ang taunang selebrasyon. Hinihikayat din ang lahat na pumasok sa opisina at estasyon suot ang iba’t ibang kasuotang Pilipino tuwing araw ng Lunes.

Nakiisa rin ang mga ilang guro sa mga palihan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ibang linangang pangwika bilang paghasa sa kakayahan sa pagtuturo sa wikang Filipino at mga wikang katutubo higit lalo ang nanganganib na mga wika sa Pilipinas.

Pagsapit ng ika-30 ng Agosto ay aktibong winakasan ng Sangay ng Tanjay ang Pampinid na Selebrasyon sang-ayon sa Pansangay na Memorandum Blg. 278, s. 2024. Nagkaroon ng iba’t ibang patimpalak sa mga mag-aaral at guro tulad ng Bayani Look-A-Like, Paglikha ng Awit, Paggawa ng Vlog, Muling Pagkukuwento, Interpretatibong Pagbasa, Sulat-Bigkas ng Talumpati, Extemporaneous Speech, Kasaysayan Quiz, Paggawa ng Poster sa Wika at Kasaysayan, at Pagsulat ng Kuwentong Pambata (Key Stage 1 at 2).

Alinsunod sa Pansangay na Memorandum Blg. 348, s. 2024, ang nasabing sangay ay nagpalabas ng opisyal na resulta ng mga pangalan ng nanalong kalahok, tagapagsanay, paaralan, at distrito sa iba’t ibang patimpalak na isinagawa.

Nanguna sa maraming panalo ang Timog Distrito, pangalawa ang Hilagang Distrito, pangatlo ang Pamplona 2, pang-apat ang Pamplona 3, at panlima ang Kanlurang Distrito at Pamplona 1. Ginawaran ng sertipiko at medalya ang mga sumusunod na mag-aaral at guro (tagapayo at kalahok) na nagsipagwagi sa mga nasabing kompetisyon.

Kien B. Mayorga